“31st Civil Registration Month, ipinagdiwang”

Sa pagtutulungan ng G.M.A. Municipal Civil Registrar at Philippine Statistics Authority-Cavite ay matagumpay na naisagawa ang ika tatlumpu’t isang taong pagdiriwang ng Civil Registration Month na may temang “Strengthening Civil Registration and Vital Statistics’ Digital Information: The ways to manage the New Normal”. Bilang parte ng pagdiriwang ng nasabing selebrasyon ay nagkaroon muli ng Civil Registration Quiz Bee at Essay Writing Contest kung saan nagpamalas ng talino at talento ang mga kabataang G.M.A. Ang mga kalahok sa mga naturang kompetisyon ay mga mag-aaral ng Senior High mula sa iba’t-ibang paaralan.


Si Municipal Administrator Mr. Artemio B. Sambrano ang nagbigay ng panimulang bati sa naturang aktibidad. Dumalo rin sina Acting Mayor Hon. Maricel E. Torres upang magbigay ng mensahe. Dumating din ang mga kinatawan mula sa Philippine Statistics Authority-Cavite. Dumalo naman bilang Board of Judges ng Essay Writing Contest sina Ms. Adelina T. Torralba (Coordinator, Municipal Council for the Protection of Children), Mr. Roberto Suarez (Senior Pastor, Christ of the Capstone Believers Fellowship church, at si Professor Carlisa A. Anonuevo (College Professor, Lyceum of the Philippines Cavite) na siyang tumayo bilang Chairman of the Board of Judges ng nasabing kompetisyon.
Wagi si Richelle Gallo ng General Mariano Alvarez Technical High School (GMATHS) matapos masungkit ang Unang Pwesto sa Civil Registration Quiz Bee. Panalo rin sina Katrina Soriano (GMATHS) na nakakuha ng Ikalawang Pwesto at Mary Justine Sipat (GMATHS) na nakasungkit naman ng Ikatlong Pwesto.


Si Hans Althea Cabanacan ng San Jose Community High School ang hinirang na kampyon sa Essay Writing Contest. Panalo rin ang kinatawan mula sa General Mariano Alvarez Technical High School (GMATHS) na si Andrea Adonis na nag-uwi ng Ikalawang Pwesto. Si Shane Lira Laliag ng De La Salle University- Dasmarinas naman ang nakakuha ng Ikatlong Pwesto.


Sa kabila ng mga pagsubok at hamon na dala ng pandemya, naisakatuparan pa rin ang maayos na pagsasagawa ng mga aktibidad kaya naman lubos na nagpapasalamat at nagagalak ang pinuno ng Municipal Civil Registrar na si Ms. Nenita S. Cruz sa lahat ng mga paaralan at mag-aaral sa kanilang aktibong partisipasyon gayundin sa lahat ng tumulong sa tagumpay ng ika-tatlompu’t isang pagdiriwang ng Civil Registration Month.


Nagkaroon din ng pagbibigay ng Sertipiko ng Pagkilala para sa mga barangays na naging katuwang sa pagdiriwang at ang mga top birth attendants para sa taong 2020. At kamakailan lamang ay nagsagawa ng Annual Convention for Solemnizing Officers para sa mga nagaadminister ng kasal sa bayan. Sa darating naman na February 16 ay magkakaroon ng seminar para sa mga Barangay Secretaries upang mas madevelop pa nila ang kanilang kapasidad.