Pormal na pinasinayaan ang bagong barangay hall ng Brgy. Francisco Reyes at Inocencio Salud noong Martes, Oktubre 12, 2021. Pinangunahan ni Carmona Mayor Roy M. Loyola ang nasabing gawain bilang kinatawan ni Cavite 5th District Representative Dahlia Loyola.
Ang nasabing programa ay dinaluhan din nina BM Paolo Poblete, Silang Vice Mayor Aidel Belamide, Lokal na Pamahalaan ng GMA sa pangunguna ni Mayor Maricel E. Torres, at pamunuan ng Brgy. F. Reyes at Brgy. I. Salud.
Ang pagpapagawa ng barangay hall ng mga nasabing Barangay ay ilan sa mga infrastructure project ni Congresswoman Loyola sa kaniyang Distrito.
Ayon kay Carmona Mayor Loyola, aasahan ng GMA na tuloy-tuloy ang proyektong pang-imprastraktura hangga’t sila ay nasa serbisyo.
“Hindi magiging posible ang proyektong ito kung hindi dahil sa ating sama-samang pagtutulungan. Umasa kayo na hangga’t kami ni Congresswoman Dahlia ay naririto, patuloy pa rin ang pagbuhos ng iba’t-ibang proyektong pang-imprastraktura na tiyak na makakapagpagaan sa pamumuhay ng bawat isa nating ka-distrito”, mensahe ni former Congressman Roy Loyola.
Samantala, nagpasalamat naman kina Congresswoman Loyola at Mayor Roy sina Brgy. F. Reyes Chairman Roger Llames at Brgy. I. Salud Chairman Edgar Huizo dahil malaking tulong anila ito para sa kanilang barangay.