Pinasinayaan na ang bagong gusali ng departamento ng Information and Communications Technology (ICT) noong ika-2 ng Marso, 2020 sa kanilang gusali sa GMA Municipal Compound.
Sa pangunguna ni Lay Minister Adolfo Agustin, ginanap ang pagbabasbas sa bagong gusali na ito na sinundan naman ng ribbon cutting ceremony sa pangunguna ng Punong Bayan Hon. Walter D. Echevarria Jr. at Ikalawang Punong Bayan Hon. Maricel E. Torres.
Kasama rin sa pagpapasinaya ng bagong gusali ay ang Panlalawigang Pinuno ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na si Engr. Melanio Mamalateo at ang Direktor ng Luzon Cluster 2 ng DICT na si Engr. Reynaldo T. Sy.
“Lubos po ang aking pasasalamat unang-una sa Diyos na siyang tumulong sa atin. Syempre po sa ating Mayor Walter D. Echevarria Jr. at Vice Mayor Maricel Torres sa walang sawang pagsuporta sa mga programa ng ICT,” aniya ni Annalyn Arceo, ICT head ng munisipyo sa kanyang mensahe sa mga nagsipagdalo.
Ang DICT ay nagbigay din ng mga kagamitan tulad ng walong laptop, printer, CCTV cameras, internet routers, at mga headphones para sa Digital Hub at Tech4Ed na mga programa ng ICT department sa pakikipagtulungan sa DICT para sa capacity-building workshops sa mga mamamayan ng Gen. Mariano Alvarez.
“Ang bagong ICT building din po ay magiging tulay para sa mga iba’t ibang e-government services katulad ng pag-aasikaso ng SSS, GSIS, Philhealth, PAG-IBIG at iba pang mga serbisyo ng gobyerno. Asahan po ninyo na mas magkakaroon tayo ng mga programa para sa taumbayan,” dagdag ni Arceo.
Ang nasabing building ay magsisilbing training center para sa mga programang pangteknolohiya sa pagpapaunlad ng bawat mamamayan ng GMA. Sa inyong mga katanungan o suhestiyon, maaaring makipagugnayan sa ICT Office sa (046) 404-0837.