GMA’s MCR, muling itinanghal na Most Outstanding LCRO sa Cavite

Sa magkakasunod na labindalawang taon, hinirang muli ang Municipal Civil Registry Office ng pamahalaang bayan ng Gen. Mariano Alvarez bilang 2019 Outstanding Local Civil Registry Office sa buong lalawigan ng Cavite na iginawad noong ika-28 ng Pebrero, 2020 sa PSA Cavite Provincial Statistical Office, Trece Martires City, Cavite.

“Lubos po ang aking pasasalamat sa ating lokal na pamahalaan sa kanilang suporta sa mga programa at proyekto ng ating Municipal Civil Registry Office. Ang karangalang ito na ating nakakamit for 12 consecutive years ay isang patunay sa dedikasyon at kalidad na serbisyo para sa mamamayan ng GMA,” taas-noong pagmamalaki ng pinuno ng Municipal Civil Registry office na si Ms. Neneth Cruz.

Ang bayan ng Alfonso ang kinilala sa ikalawang pwesto na sinundan naman ng Carmona sa ikatlo, Cavite City sa ikaapat, at bayan naman ng Silang ang siyang nakasungkit ng ikalimang pwesto.

May dalawang pamantayan para sa nasabing parangal. Una ay ang quality at timeliness ng mga civil registry documents na ipinapasa ng sa opisinang panlalawigan at ang ikalawa naman ay ang mga programa at proyekto ng lokal na civil registry office kagaya ng pagdiriwang ng civil registration month, mga information drives, fora at symposia.

“Asahan po ninyo na patuloy tayong magbibigay karangalan sa ating bayan. Isang indikasyon na ang lokal na pamahalaan ay tapat sa kanyang tungkulin na panglingkuran ang kanyang nasasakupan,” dagdag ni Ms. Cruz.

Ang nasabing parangal ay kasabay sa pagdiriwang ng 30th Civil Registration Month na may temang “Shaping Civil Registration and Vital Statistics (CRVs) by Embracing New Trends in the 4th Industrial Revolution.”

Mas papaigtingin naman ng GMA MCR ang mga kampanya sa kahalagahan ng mga dokumento na kaugnay ng civil registration sa pagsasagawa ng mga forums lalong higit sa mga kabataan gayun na rin sa mga prosesong nakapaloob dito.