“GMA’S pride GIANA LLANES, wagi ng Ginto sa 31st Sea Games”

Gumawa ng kasaysayan ang isang GMAnian matapos masungkit ng kanilang koponan ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa kategoryang e-Sports Women’s Division sa katatapos lamang na 31st Southeast Asian Games 2022, na ginanap sa Hanoi, Vietnam.

Siya si Giana Joanne Llanes o mas kilala bilang “Jeeya,” isang 26-taong gulang na manlalaro ng e-sports mula sa Brgy. F. De Castro, GMA. Siya ay kabilang sa Sibol- GrindSky Eris Squad, na siya namang kinatawan ng Pilipinas sa League of Legends: Wild Rift Tournament. Makasaysayan ang pagkapanalo ni Llanes sapagkat ito ang unang beses na sa score na 3-0 sa finals, mabilis na pinatumba ng Pilipinas ang Singapore.

Sa eksklusibong interbyu kasama ang ONE Esports Philippines bago pa man sila lumipad patungong Vietnam, ikinuwento ni Llanes ang kaniyang inspirasyon na patunayan sa kanyang mga magulang na hindi siya nagkamali sa pagpili ng karera sa larangan ng esports.

“Isa sa mga driving factors ko ‘yung parents ko kasi medyo disappointed sila sa’kin. Sinasabi nila na sayang daw ‘yung engineering at tourism na kinuha ko, ‘di ko man lang daw nagamit ‘yung mga pinag-aralan ko. Sa sarili ko kasi, (alam kong) sa gaming ako masaya eh,” wika ni Llanes

“Gusto ko mapatunayan sa kanila na may nararating ako, na hindi sayang ‘yung pinili kong choice kasi ang gusto kong mangyari sa buhay ko is kukimita ako sa bagay na masaya ako.”

Samantala hangad din umano ni Llanes na magbago ang pagtingin ng lipunan sa mga gamer na nangangarap maging “pro”player,” lalo na sa mga katulad niyang babae.

“Gusto kong mawala na ‘yung stigma na tulad ng naranasan ko na kapag naglalaro ka ng games wala kang future, na magiging parang wala kang mararating sa buhay. Gusto ko mawala sa society ‘yung ganun. Gusto ko isa ako sa mga magsisimula nun, isa ako sa magpapa-realize sa mga tao na hindi ganun, especially sa aming mga babae.”

Pinatunayan lamang ni Llanes na ang talento at husay ng mga mamamayan sa bayan ng GMA ay hindi na lang para sa national sports competition, kung hindi pang-international level din.

Walang duda, Pilipinas ang pinakamalakas ngayon pagdating sa e-sports na League of Legends Wild Rift sa Southeast Asia. At nakamamangha na mayroong isang GMAnian ang nasa likod ng isa na namang malaking tagumpay ng ating bansa.