Kampanya laban sa COVID-19, pinaigting ng Pamahalaang Bayan

Pinaigting ng lokal na pamahalaan ang kampanya laban sa 2019 novel corona virus (nCov) na ngayon ay may bagong pangalan na COVID-19.
(Ang “co” mula sa “corona,” “vi” mula sa salitang “virus,” at “d” naman sa “disease.” Ang “19” naman ay mula sa unang taon kung saan ito nadiskubre.)

Ang Municipal Health Office (MHO) ay patuloy na nakikipagtulungan sa iba pang departamento ng lokal na pamahalaan upang palakasin ang kampanya kontra COVID-19. Kasama ang mga Barangay Health Workers (BHWs) at pambaranggay na pamunuan, nagkaroon ng information drive upang matulungan ang pagpapalaganap ng impormasyon sa kanilang nasasakupan. Nakasama rito ang Provincial Epidemiologist na si Dr. Nelson Soriano na siyang nagbigay ng datos sa kasalukuyang sitwasyon sa lalawigan. Binuo rin ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) upang maging katuwang sa anumang pangangailangan para sa kampanya laban sa COVID-19.

Nagkaroon din ng information drive para sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa ating bayan. Ito ay dinaluhan ng mga lider estudyante, mga guro, mga medical representatives, at mga pamunuan ng kanilang paaralan. Tinuruan din ng tamang pamamaraan ng paghuhugas ng kamay at kung paano ang tamang pag-ubo. Nakasama rito ang kinatawan ng Department of Health na si Mr. Emmanuel Hermoso at ang mga Human Resource for Health Nurses. Maging ang mga empleyado ng pamahalaang bayan ay naging parte rin ng isinigawang information drive.

Ang mga business establishments din sa ating bayan ay nagkaroon ng session upang mas maging ligtas ang mga establisyimentong pangnegosyo sa bayan ng GMA, Cavite.

Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmadong kaso sa bayan ng GMA. Patuloy na kumikilos ang lokal na pamahalaan upang mapanatiling ligtas ang bawat mamamayan sa ating bayan.

Pinagpaliban na rin ang ilang mga malawakang pagdiriwang para sa 39th Founding Anniversary at 12th Kabutenyo Festival bilang preventive measure ng ating lokal na pamahalaan.

BANTAY LABAN SA COVID. Mr. Emmanuel Hermoso, the representative from the Department of Health, gives an update on COVID-19.