"Pinas-Lakas sa GMA, Umarangkada na!"

Umarangkada na sa bayan ng GMA ang PINASLAKAS Campaign na pinasimulan sa isinagawang PINASLAKAS Kick-off Caravan noong Agosto 8 sa San Jose Community High School na dinaluhan ng mga kawani ng pamahalaang bayan at mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor.

Ang PINASLAKAS ay isang kampayang inilunsad ng Department of Health na naglalayong palakasin ang booster vaccination program ng pamahalaan bilang tugon sa direktiba ng Pangulo na i-angat ang access ng mga Pilipino sa healthcare services.

Nais ng kampayang ito na itaas ang bilang ng mga Pilipinong mayroong booster shots para sa pagpapalakas ng depensa kontra sa COVID-19 at upang maabot ang herd immunity.

Kaugnay nito, puspusan na ang isinasagawang vaccination roll-out ng pamahalaang bayan. Kamakailan, nagsagawa ng mobile resbakuna para sa mga residente ng Alta Tierra Homes at mga kalapit nito, gayundin sa loob ng municipal building para naman sa mga empleyado ng pamahalaang bayan. Nakatakda ring maglagay ng mobile resbakuna sa mga paaralan para sa mga estudyante.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng Vaccination Site sa CarSiGMA District Hospital mula Lunes hanggang Biyernes para sa mga nais magpabakuna.

Nananawagan naman si Mayor Maricel E. Torres sa mga kababayan na huwag nang mag-alinlangan sa pagpapabukana dahil aniya, tugon ito sa mga hamong dala ng pandemya.